A Filipino Poet, Story Writer, Novelist and a Lawyer

Saturday, April 23, 2011

Ang mga katha ni Alberto Segismundo Cruz at ng iba pa nating magagaling na manunulat


Noong Araw ng mga Puso, ang aming kaibigang si Percival Cruz ay ipinamahagi sa amin ang isa sa mga tula ng makata niyang ama na si Alberto Segismundo Cruz (1901-1989) tungkol sa walang katapusang pag-ibig.

Si Ka Bert pala ay kababata ni Amado V. Hernandez, isa pang magaling na makata, at kapuwa sila taga-Tondo.  Noong 1947 ay hinirang si Ka Bert na Poet Laureate of the Republic, katumbas ito ng National Artist na ngayon ay iginagawad ng presidente natin sa mga artists.


Nagulat ako ng mabasa ko ito, dahil sa aking palagay, isa na ito sa pinakamagandang tulang nabasa ko. Ito ang kabuuan ng tula:

Kung wala nang kulay ang mga bulaklak at wala nang bangong humahalimuyak.
Kung wala nang hamog at ulang papatak na sa luntiang damo’y kristal kung mabasag.
Kung wala nang awit ang ibon sa gubat na sa punong-kahoy ay palipat-lipat.
Kung wala nang init ang maagang sinag na pumapalaso sa dibdib ng ulap.
Kung lambong ng gabi’y ganap nang nagsungit at di magkailaw pati alitaptap.
Kung di na hahalik sa puting pasigan ang alon sa dagat.
Kung di na sisimoy ang hanging amihang giliw ng habagat.
Kung ang gabing luksa’y ayaw nang patitig sa talang kutitap.
Kung ang landas nating tinahak sa nayo’y pitak nang nagburak, nagkalat sa damo’y mga tuyo’t dahong nalagas na rosas.
Saka mo pa lamang sadyang mawawatas na kudyapi ko’y nagtampo na’t sukat, kasabay ng aking naglahong lumipas.

Sa aking kagalakan, hinimok ko si Percy na bigyan ako ng pahintulot para ipublish ang tulang ito sa Asian Journal. Pumayag naman siya ngunit sa sulat na ipinadala niya sa akin, napag-alaman ko na marami tayong mga magagandang katha ng magagaling nating manunulat sa Pilipinas ang nababaon na sa limot dahil hindi ito na-publish muli para ma-appreciate ng mga bago nating henerasyon ng mga mambabasa. Bilang isang manglilimbag (publisher) ito ay isang bagay na mahalaga sa akin. Dahil dito, hinihikayat ko si Percy na kung maaari ay ma-ipublish naming muli ang iba pang mga katha ng kanyang ama.

Narito ang kanyang sagot:
Sim - Salamat naman at nagustuhan mo ang tula na ipinost ko.  May isa siyang published book of poems ang iba ay mga draft papers pa at ang iba nasa tape casette.Marami rin siyang maikling kuwento at mga nobela.  Sa sampu niyang buhay na anak ay ako lamang ang nagtiyaga na itago at ingatan ang yaman na ito. Noong nasa high school tayo ay ako ang taga-makinilya niya kaya nagkaroon kami ng magandang relasyon at marami akong natutunan. 


Palagay ko ay makata rin ako at manunulat sa dugo, nguni’t ang isip ko at panahon ay naiukol at naiuukol pa sa ibang bagay.  Sabi nga ni Kahlil Gibran — “I long for eternity because there I shall meet my unwritten poems and my unpainted pictures.”


Tatlo sa nobela niya - “Ang Bungo”, “Halimuyak”, at “Lakandula” ay nilimbag ng Ateneo Press at ang mga ito’y pinag-aaralan sa Ateneo bilang bahagi ng Philippine Literature and Culture.  Ang nasa Diwang Ginto niya ay iyong — “Rosa Malaya”.  Mayroon din siya sa Diwang Kayumanggi nguni’t di ko na ito maalala kung ano. Sayang, di na yata reference books ngayon ang D.G. at D.K. 


Noong nasa media pa ako sa Pilipinas ay nagmungkahi ako sa mga newspapers at magazines na maglabas ng mga kuwento at nobelang Pilipino panaka-naka, tuwing may espasyo sila, o di kaya ay pa-sponsor ang espasyo sa advertiser.  Sa ganoong paraan ay mamumulat ang mga kabataan sa bagay na may iba palang kultura bukod sa Hollywood at fastfood culture na naka-brainwash na sa isip nila.  Hanggang ngayon ay di nagagawa ito. 


May mga nagpa-publish ng contributed articles, pero iba ito sa mga naisulat na na pambihirang mga katha na hindi nababasa ng madla, sayang!  Ilan sa masa ang talagang nakabasa kay Rizal? Marami tayong magagaling na manunulat, makata, at artista — pero ang kanilang mga katha ay nabaon na sa limot. 


Kilala natin sina Hemingway, Allan Poe, Steinbeck, Mailer — pero hindi kilala ng marami sina Clodualdo del Mundo, Liwayway Arceo, Balagtas, Simeon Mercado, Efren Abueg, Lazaro Francisco, NVM Gonzales, Sionil Jose, Jose Garcia Villa at iba pa. 


Iyong mga estudyante ng Philippine Studies, oo, kilala sila. Pero ang sinasabi ko ay ang madla, ang masa, na kaya artista at magnanakaw ang binoboto tuwing eleksyon ay dahil sa mababaw ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, sa kultura, sa bayan.  Tayo ay lipi ng mga dugong bughaw na noon pa, una sa maraming lahi sa mundo, ay kumikilala na sa iisang Diyos, may paggalang sa ina at sa babae, nagpapahalaga sa katarungan at kapayapaan at nagiging mabangis na mandirigma kung may nang-aapi. Sayang ang ating dangal na naiwan sa lumipas.  


May binabasa ako ngayong libro tungkol sa Spanish-American War. Dito ay isinasaad na sinabi ni President Wilson at pagkatapos sinigundahan ni President Teddy Roosevelt na dapat ay makuha ng Amerika ang Pilipinas at nang ang mga tao roon na mga barbaro ay mabigyan ng sibilisasyon. Iniutos ni Teddy Roosevelt kay Commodore Dewey na lusubin ang Pilipinas. 
Nakakapangilabot! Nakakagalit!  Barbaro daw samanatalang wala pa sa mapa ang America ay gumagawa na ng gintong alahas at pinggan ang mga
Pilipino at nakagawa na ng batas, ang Code of Kalantiaw na marahil ay kasingtanda ng Code of Hammurabi, ang kauna-unahang batas sa mundo!  
Percy
Umaayon ako kay Percy sa kanyang kuru-kuro tungkol sa magaganda nating mga katha na nababaon na sa limot. Kung kaya naman sa abot ng aking makakaya ay pipilitin kong imulat ang mga mata ng ating mga mambabasa, lalo na ang mga bagong henerasyon sa kagandahan ng
Panitikang Pilipino

Sana, kayong mga mambabasa namin ay sumuporta sa misyon naming ito. Basahin sa mga anak ninyo ang ating mga lumang katha kagaya ng mga kuwento, tula at nobela, para naman ma-ipagmalaki nila ang kanilang lahi at kultura. Baka ito ang solusyon para igalang ng mga Pilipino ang kanilang sarili, at ano ang malay natin, magbago at umunlad ang Pilipinas! - AJ


The Carlos Palanca Memorial Awards for Literature winners in the year 1975 (rank, title of winning entry, name of author).

English division

Short story
  • First Prize: “Romance and Faith in Mount Banahaw” by Alfred A. Yuson; and “The Day of the Locusts” by Leoncio P. Deriada
  • Second Prize: “Agcalan Point” by Jose Y. Dalisay Jr.; “Once Upon A Cruise: Generations and Other Languages” by Luning B. Ira; and “The Man Who Made a Covenant with the Wind” by Cirilo F. Bautista
  • Third Prize: “A Summer Goodbye” by Benjamin Bautista and Linda Ledesma; “Discovery” by Porfirio Villarin Jr.; “The Dog Eaters” by Leoncio P. Deriada; and “The People's Prison” by Mauro Avena
Poetry
  • First Prize: “Telex Moon” by Cirilo F. Bautista
  • Second Prize: “Adarna: Six Poems from a Larger Corpus” by Wilfredo Pascua Sanchez
  • Third Prize: “The City and the Thread of Life” by Ricaredo Demetillo
One-Act Play
  • First Prize: “A Life in the Slums” ni Rolando S. Tinio
  • Second Prize: “Password” ni Paul Stephen Lim
  • Third Prize: “The Minerva Foundation” ni Maidan T. Flores

Filipino division

Short story
  • First Prize: “Ang Oktubre ay Buwan ng mga Talahib” by Jose Reyes Munsayac; and "Huwag Mong Tangisan Ang Kamatayan ng Isang Pilipino sa Dibdib ng Niyebe" by Domingo G. Landicho
  • Second Prize: "Guwardiya" by Ave Perez Jacob; and “Wala Nang Lawin sa Bukid ni Tata Felipe” by Benigno R. Juan
  • Third Prize: “Mula Kay Tandang Iskong Basahan” by Jun Cruz Reyes; and “Silang mga Estatwa sa Buhay ni Valentin Dacuycoy” by Alfonso Mendoza
Poetry
  • Special Prizes:
“12 Tula” by Rolando S. Tinio
“Ang Pamumuno ni Abunnawa” by Jose Carreon
“Genesis at Iba pang Tula” by Rosalinda Pineda
“Isang Tungkal na Alabok” by Lualhati Alvero
“Nagbabalik ang Dakilang mga Gabi” by Mar. Al Tiburcio
“Namimintana Ako” by Gloria Villaraza Guzman
“Sino ang Bulag at Iba Pang Tula” by Alberto S. Cruz

“Sunog sa Lipa at Iba Pang Tula” by Bienvenido Lumbera
“Tatlong Tula” by Simon Mercado
“Tsinataklipan: Ugat ng Angkan” by Victor V. Francisco


Source

Description above from the Wikipedia article 1975 Palanca Awards, licensed under CC-BY-SA, full list of contributors here. Community Pages are not affiliated with, or endorsed by, anyone associated with the topic.

DAPIT-HAPON NG BUHAY


Sa tik-tak ng lumang orasan ng palad,
Lumipas na saglit ay taong lumipas:
Ang kabataan ko’y yumaon at sukat
At naiwan akong sa buhok, may pilak!
Ngayon sa kanluran,araw’y sinisipat-
Lumubog na araw ng aking pangarap!
Ditto sa puso ko’y may lumubhang sgat-
“sugat ng gunitang” di ko madalumat!

Kaharap ko’y papel: makinis, maputi,
Di na maisulat ang dalang pighati!
Ibig kong isaliw sa luhat ang ngiti,
Nguni’t tumatanggi ang lumang kudyapi!
Minsa’y hinagkan ko ang panyo mong
Lantang ilang-ilang, sa labi’y dumampi! Gahi,
Sa katanghalian ng buhay,nasawi?

Kundangan nang ako’y bata pa’t malusog,
Ligaya’y nilugas na parang talulot;
Inari ang lakas na di matatapos,
Pati bahaghari’y aking sinusugod!
Maghapon sa aki’y tula ng pag-irog,
Buhay ay pangaray, hirap ay sa limot;
Ngayong kailangan ang “tuwang tinuhog”,
Tanikalang-hapis ang nakagagapos.

Sa pagdaralita’y ibig kong sisirin
Sa pusod ng dagat ang mutyang mithiin;
Ngunit nadarama ang aking damdamin,
Marupok na Kristal na di ko malining!
Kung minsa’y nais kong buhay ay awitin
Subali’t kay daling maparam sa hangin!
Binabalak pa lang ang bagong Gawain,
Ang natatanaw na’y “kaaway na lihim”.

Kung ito ang buhay, ibig kong mabalik
(o! aking bathala sa minulang putik!)
Nasaan ang inang dinuyan ang bisig
At sa kamusmusan ay birheng nagsakit? …
Ngayong nasa ilang … sa gitna ng init
Saka hinahanap ang lihim sa bukid…
A! ang kabataa’y talang kung pasilip,
Paglubog ay din a sisikat sa langit.

INANG WALANG MALIW


Hibla ng lumingning na hindi maputol
Sa kagat ng dilim na nakatatabon;
Luksang alaala ng inang yumaon,
Sa pusong ulila’y tinik ng linggatong.

Buhay ng ina ko’y sa mahal na birhen,
Nagtiis ng sakit sa anak na giliw;
Kaya sa sugatang puso may damdamin,
Bumukad ang rosas ng aking dalangin.

Ang mga talulot ng nupling na rosas,
Nadilig ng luha ng taong lumipas;
Bawa’t patak nito’y butyl na nag-perlas,
Panatang “rosario” sa lahat ng oras.

Pag-ibig sa anak at magandang aral,
Naiwang pamana sa aming tahanan;
Kaya tumanda ma’t nagbago ang buhay,
Ang libinga’y landas sa kal’walhatian.

“GENESIS”



Di abot-kurui’y nabuo ang lupa,
Katapat ang langit- sumisinta yata!
Lambong ng karimla’t duwag ng hiwaga
Itong kalawakang hindi maunawa…
Sapagkat ang diyos ay bukal ng awa,
Nagsindi ng ilaw- sangmundong biyaya.

Hubad na tanawin ng bunduki’t burol,     
Bangin at palanas, ang lambak na kanlong-
Lahat sa pangwari’y nag-akamang patibong,
Pagka’t may ahas na’t halimaw na leon!
Kaya pinagbukod ng inang-panahon
Ang dagat at lupa na hiwalay NGAYON.

Dito nagsimula ang tunay na EDEN
Na kinamulatan ni adang “nagising”;
Kahoy na mabunga’y may biyayang hain,
Nangiting bulaklak… kay banao sa hardin!
Nguni’t itong ahas,ginawang salarin,
Si ada’t si ebang nagdusa’t nalagim.

-nasaan ba kayo?- diyos ay angngitngit!
-narito po kami!- ang tugong may hibik;
May bakas ma’t labia ng Edeng Marikit,
Ang sangkatauha’y ditto nagka-batik;
Kaya, mula ang lahat ng bibig
Umasa sa tulong ng pawis at bait.

LUPA



Kundi sa buhangin
At durog na bato,
Na nagging matatag sa kabuuan mo,
Saan ihahantong ang mga paa ko?...
Nagbuhat sa duyan at hanggang sa nitso,
Alalay kang lagi sa aking pagtakbo!
Kaya pati langit sa kaitaasa’y
Manungha’y sa iyo:
Umiibig kaya?
O may inggit ito?

Malimit – sa ulan o kaya’y sa baha,
Ikaw’y nagpuputik;
Kung kaylan putikan,
Saka inaasam nitong taga-bukid…
Kay daling bumulas na bungang- biyaya,
Samantala namang sa dibdib mo’t tiyan,
Sadyang makukubli ang likas na yaman!
Kung hindi sa iyong mabiyayang ani,
Disi’y nagutom na ang sangkatauhan…
Dap’wa’t sa ginto mo’t brilyanteng makinang,
Kay daming nasilaw
At nagdurusa pa sa mga piitan.

Kung ang dibdib mo’y patag na luntian
Sa damong Bermuda,
Kay dilag-dilag mong likas na alponbra!
At kung sa kandunga’y
Nagngiti ang liryo, dalya’t sampagita,
Daming paruparo’t mga ibong-gubat
Ang naghaharana!
Kaya ang pulubing tunay na belibeth,
Mula sa umaga,
Malimit lumuhod at hinahagkan ka.

Saka kung sumapit itong dapit-hapon
Na tansong kampana’y
Pusong lumulungoy
Saliw  sa plegaryang buhat sa “armonium”,
Ikaw, inang-lupang lubhang mapagmahal,
Lupang mapag-ampon,
Ibinubukas mo ang gahak mong dibdib
Sa isang kabaong.

LANGIT


O, bughaw na langit na tinitingala!
O, di matingkalang langit ng hiwaga! …
Ang paos na tinig ng kudyaping luma,
Sa katayugan mo’y marinig mo kaya?

Naabot kita sa aking paningin
At sa pangarap ko’y nalakbay ka rin;
Ngunit ang hindi ko maabot-kuruin
Ay ang kariktan mong walang pagmamaliw.

Ang luksa mong buhok na sa lupa’y sayad
Kaya lang malugay kung gabing panatag;
Ang tagho’y ng aking baying kulang-palad
Hinahagdan iyang di mo natatatap.

Busilak mong noo’y lubhang maalindog
Lalo’t nakaputong ang ilaw-sinukob;
Kaya pati lupang tigib ng himutok,
Natitingala ka kahi’t na matayog.

Ang panalag-ulang nagging bahag-hari
Kung nalulungkot ka ay mapagwari …

Iyan ang kilay mong malantad-mapawi,
Busog ni kupidong hindi mababali.

Ang mga mata mong sakdal nang pupungay,
Sa singit ng gabi’y nagkurap na ilaw;
Kaya ang daigdig ay mayrong patnubay
Pagka’t naaabot ng kaliwanagan.

Maputi,malinis iyang iyong pisngi,
Sagisag ng iyong malinis ding puri;
Subali’t sa ami’y tila sinasabing:
“dito ay payapa’t batas ang pagkasi!”

Kaya ko mapansin ang kinis mong leeg
Kung mga hiyas mo’y bituin sa dibdib;
Sa kabaliwan ko, panulat kong sabik,
Sa is among hiyas ay ipinanungkit!

Sa guhit-tagpuan, kapag dapit-hapon,
Nakapanunggaw ka nang lubhang hinahon;
Marikit mong baba’y tila nakapatong
Sa tubig ng dagat na aalon-alon.

Sa krusital na tubig ng batis at lawa’y
Nananalamain ka nang buong payapa;
Ngunit ang larawan ng salaring lupa,
Ang nagmamasid mong humihinging awa.

Ang kaharian mo sa sakdal ng tayong,
Ay siyang dambana ng dakilang diyos;
Diya’y pantay-pantay, walang umuungos,
Pagka’t walang hari’t wala ring busabos.

Ang lahat ng bayan dito sa daigdig,
Pagdating ng oras, sa iyo ang hibik;
Sa katahimikan o pamimiyapis,
Ang ngalan mo’y siyang sinasambit-sambit.

Napakatamis pang ang mundo’y mawasak
Kung dito’y way baying lagging sawing-palad;
Ang baying alipi’y ikaw ang pangarap,
Pagka’t diya’y walang hinagpis o hirap.

O… bughaw ng langit na tumitingala!...
PILIPINAS ako na nagsa-makata
Upang sa tula ko’y ilakip ang luha,
Kaylan ang daigdig magiging payapa?