A Filipino Poet, Story Writer, Novelist and a Lawyer

Saturday, April 23, 2011

LUPA



Kundi sa buhangin
At durog na bato,
Na nagging matatag sa kabuuan mo,
Saan ihahantong ang mga paa ko?...
Nagbuhat sa duyan at hanggang sa nitso,
Alalay kang lagi sa aking pagtakbo!
Kaya pati langit sa kaitaasa’y
Manungha’y sa iyo:
Umiibig kaya?
O may inggit ito?

Malimit – sa ulan o kaya’y sa baha,
Ikaw’y nagpuputik;
Kung kaylan putikan,
Saka inaasam nitong taga-bukid…
Kay daling bumulas na bungang- biyaya,
Samantala namang sa dibdib mo’t tiyan,
Sadyang makukubli ang likas na yaman!
Kung hindi sa iyong mabiyayang ani,
Disi’y nagutom na ang sangkatauhan…
Dap’wa’t sa ginto mo’t brilyanteng makinang,
Kay daming nasilaw
At nagdurusa pa sa mga piitan.

Kung ang dibdib mo’y patag na luntian
Sa damong Bermuda,
Kay dilag-dilag mong likas na alponbra!
At kung sa kandunga’y
Nagngiti ang liryo, dalya’t sampagita,
Daming paruparo’t mga ibong-gubat
Ang naghaharana!
Kaya ang pulubing tunay na belibeth,
Mula sa umaga,
Malimit lumuhod at hinahagkan ka.

Saka kung sumapit itong dapit-hapon
Na tansong kampana’y
Pusong lumulungoy
Saliw  sa plegaryang buhat sa “armonium”,
Ikaw, inang-lupang lubhang mapagmahal,
Lupang mapag-ampon,
Ibinubukas mo ang gahak mong dibdib
Sa isang kabaong.

No comments:

Post a Comment