Sa simulang WALA
Nitong sangnilikha,
Kahapong lumipas ay ginugunita:
Hawan na ang landas na sadyang nahanda
Upang patunguhan
Mula pa sa duyan hanggang sa pagtanda-
Daang sa malayo’y waring magkalapat
Ang labing malamig
Ng langit at lupa.
Sa biglang pangmalas, landas ay maligoy,
Liku-likong daang
Magkabilang panig, may halama’t kahoy;
Sa init ng araw tayo at anino
Ay makasisilong!
Nguni’t kung gabi na,
Ang karimlan kaya sa ati’yamg-ampon? …
Sa dako pa roong mararating natin sa ating paglakad,
Pook, abot-tingi’y waring lumalawak;
Tapat na kasama’y anino rin nating
Likha ng liwanag;
Kaya patuloy din,
Sa isip ma’t puo’y may bumabagabag;
Tuloy! Tuloy tayo … saan ba hahanga?
Tugon ng sarili’y … saan ba nabuhat
Ang katawang-tao’y pag-asang lumipad,
Naiwan sa ating maitim na buhok
Ay hibla ng pilak.
Pawa tayong “likha”- kay sikip ng mundo,-
Nguni’t kay bilis din
Sa ating pagtakbo!
Tuloy ang pangarap sa ginto’t pabango.
Nagpapaligsahan … ngipin din sa ngipin
At bato sa bato!
Kaya tayo na rin na pawang Belibeth
Ngayo’y nalilito:
Lakad pa rin … lakad …
Sa mapulang apoy, tayo’y gamugamo-
Sumusugba pa rin, kahit maging abo!
Katipunan ng mga Piling Tula
(Ukol sa Lahat ng Panahon)
Sa Kudyapi ni Alberto Segismundo Cruz
Republika ng Pilipinas
Nilimbag sa Maynila Hunyo12, 1972
No comments:
Post a Comment